TIERRA ADORADA
Ni Manny G. Asuncion
Melbourne-Australia
June 5, 2014
Kawit, Cavite Ika 11 ng Hunyo 1898
Mahigpit na kipkip ni Maestro Juan Felipe ang piyesang yaon habang mabilis nilang binabagtas ni Heneral Trias ang hagdanang patungo sa bulwagan ni Heneral Emilio Aguinaldo. Sa kanyang isipan ay naglalaro ang malaking pag-aalinlangan kung magugustuhan ng Henral ang martsang obra na pinamagatan niyang
Marcha Filipina Magdalo na may ilang gabi rin niyang pinagpuyatan.
Para pang umaalingawngaw pa sa kanyang pandinig ang paalala ng butihing Heneral sa kanya: “Ang Martsa ay dapat maging marubdob, dakila , marangal at siyang kakatawan sa dakilang adhikain ng ating lahi.”
Aba, kay bilis ng pagdaraan ng araw ang naisaloob niya. Halos isang linggo na pala ang nakaraan nang magtungo siya sa tahanan ni Maximo Inocencio kung saan naroroon ang Heneral (kagagaling lamang ng Heneral mula sa Hongkong at abala sa pagpaplano sa pagpapatuloy ng digmaan katulong ang mga Amerkiano laban sa Espanya). May dala-dala siyang liham ng rekomendasyon galing kay Heneral Mariano Trias upang ihandog ang kanyang serbisyo sa napipintong digmaan.
Nang malaman ni Heneral Aguinaldo na siya’y piyanista at kompositor, agad-agad siyang inanyayahang patugtugin sa piyano ang isang komposisyong dala-dala ng Heneral mula sa Hongkong. Ang komposisyon ay martsang kinatha ng isa ring Filipinong kompositor na kasama ng iba pang rebulosyunaryong nangibang bansa. Subalit nang matapos niyang patugtugin ang naturang piyesa, walang kasiglahang nabakas sa mukha ng Heneral.
“Maganda ang musika pero hindi ito ang hinahanap ko. Ang ibig ko’y isang musikang magbibigay inspirasyon upang makihamok ang ating mga tauhan sa mga kaaway.”
“Ah, alam ko na po ang nasa isip ninyo,” ang kanyang pakli.
“Maisusulat mo ba ito?”
“Susubukan ko po , Heneral.”
Biglang naputol ang kanyang pagmuni-muni nang marinig niya ang boses ni Heneral Trias. “Andito na tayo, Julian.”
Nakita niyang nasa malaking bulwagan nagpupulong sina Heneral Aguinaldo at iba pang mga rebolusyunaryo. Pansumandaling naputol ang kanilang pagpupulong nang makita sila.
“Heneral,” ang bungad niya, “tapos na po ang Martsang ipinangako ko sa inyo, nawa’y maibigan po ninyo.”
“Mabuti,” sagot ng Heneral, ” Sige, mangyaring patugtugin mo na.”
Magkahalong pag-aalinlangan at pangamba ang naghari sa kanya habang umuupo siya sa harapan ng piyano. Magustuhan kaya ito ng Heneral at ng iba pa nitong kasamahan? Ang naisaloob niya habang inaayos ang kanyang piyesa sa ibabaw ng piyano.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya sa kanyang sumisikdong diddib. Malumanay, mahinay at maingat na humabay ang kanyang mga daliri sa mga tiklado ng piyano. Ang sandali ay tulad ng isang maluwat at walang katapusang panahon. Ang musika’y tila isang dambuhalang along sumaklot sa mapayapang langit ng pagtangis at pagsalubong sa maalab na araw ng pagkalas sa kadena ng pait, pagdurusa at pagkalugami at sa marubdob na pagnanasa ng sambayanan ng isang matagumpay na kalayaan kahit ito ma’y katumbas ng pagbubuwis ng buhay.
At nang matapos niyang patugtugunin ang obra, isang masigabong palakpakan ang inihandog sa kanya ng Heneral at ng mga kasamahan nito.
“Bravo! Bravo, Maestro! Bukas na bukas din ang mart sang iyan ang patutugtugin natin sa seremonya sa pagpapahayag ng kalayaan ng Pilipinas! Mabuhay ang Pilipinas!!!”
Isang malalim na bunting hininga ang kumawala sa kanyang dibdib. Waring gumaan ang kanyang pakiramdam. Hindi nasayang ang kanyang pagpupunyagi.
Ilang beses pa nilang hiniling na patugtugin niya ang kanyang obra at sa wakas ay napagkasunduam nilang tawagin ang piyesa bilang
Marcha Nacional Filipino. Isang musika ang isinilang sa araw na iyon na nagpapahiwatig nang maalab na mithiin, marubdob na pangrap at masidhing damdaming makabayan ng lahing Filipino.
Kinabukasan, ika 12 ng Hunyo, 1898 , ang
Marcha Nacional Filipino ay opisyal na pinatugtog ng
Banda San Francisco de Malabon habang itinataas ang kauna-unahang bandilang ng Republica ng Filipinas na tinahi nina Ginang Marcela Marino Agoncillo.
BAUTISTA PANGASINAN, AGOSTO 1899
Habang maingay na nagsisipagawitan ang patnugutan ng
La Independencia (isang pahayagang rebolusyonaryong pinamamatnugutan ni Antonio Luna) upang palipasin ang nakababagot na gabi, payapang nagsusulat ang makatang si Jose Palma ng isang tulang malaon nang naglalaro sa kanyang isipan.
Si Jose Palma ay isang estudyante ng Ateneo na tumigil sa kanyang pag-aaral para sumapi sa Katipunan. Dahil sa hindi makayanan ng kanyang pangangatawan ang pakikihamok sa larangan, ang kanyang paglilingkod-militar ay nabuhos sa pagbibigay-sigla sa mga sundalong Katipunero sa pamamagitan ng kanyang pagkatha at pag-awit nang malamyos na Kundiman.
Siya rin ang namahala ng Tagalog na pitak ng
La Independencia. Nang maalis ang pitak na ito, pumalaot na rin siya sa pakikihamok. Sumama uli siya sa patnugutan ng
La Independencia noong malipat ito sa Bautista, Pangasinan noong 1899.
Aywan kung bakit di makatkat sa balintataw ang himig ng
Marcha Nacional . Marahil dahil sa lagi itong tinutugtog sa iba’t ibang pagtitipon at kasayahan ng mga Katipunero. Ang paudlot-udlot at hiwa-hiwalay na mga liriko’y parang tuksong nagsusumayaw at nagsasalimbayan sa kanyang isipan.
Tiera adorada…sus estrellas y su sol…por ti morir…esplenda…y late el poema… kay tamis pakinggan, kay tamis namnamin, subalit kailangang isatitik… isulat malayo… mahirap abutin.
Maraming beses na niyang tinangkang isulat ang tulang ito subalit ang kanyang pagtatangka’y waring mailap na paru-parong lumilipad, lumalapit, lumlayo sa kanya. Subalit ngayong gabi, tila ang musa ng panitik at tula’y ngumingiti at umaalalay sa kanya:
Tierra adorada / Hija del sol oriente/Su fuego ardiente… patuloy ang huni ng mga kuliglig na animo’y nakikipaglamay sa kanya. Nagkapakpak ang kanyang pluma na animo’y maliksing lumilipad sa papel na pinagsusulatan.
Malalim na ang gabi nang matapos niya ang obra. Ilang ulit din niyang binasa ang tula at pagkatapos, tinawag niya ang kanyang mga kasamahang sina Cecilio Apostol at Fernando Ma. Guerrero.
“Subukan nating awitin ang tulang ito sa himig ng
Marcha Nacional, tignan natin kung magtutugma sa aking obra!” ang panimula ni Jose habang nahinay na hinihimas-himas ng kanyang mg daliri ang namimigat at nananakit na mga mata. Inawit ng kanyang mga kaibigan ang tulang may pamagat na
Filipinas.
FILIPINAS
Tierra adorada,
Hija del sol de oriente,
Su fuego ardiente
En ti latiendo esta.
Patria de amores,
Del heroismo cuna,
Los invasores
No te halloran jamás.
En tu azul cielo, en tus auras
En tus montes y en tu mar
Esplende y late el poema
De tu amada libertad.
Tu pabellón, que un lides
La victoria illumino,
No vera nunca apagados
Sus estrellas ni su sol.
Tierra de dichas, de sol y amores
En tu regazos vivir,
Es una gloria para tus hijos,
Cuando te ofenden, por ti morir.
Tugma ang mga titik sa musika ng
Marcha Nacional Filipina! Ang liriko ay nailathala sa
La Independencia noong ika 3 ng Setyembre 1899. Nang magtago ang patnugutan ng naturang pahayagan sa Camiling, Tarlac upang iwasan ang paglusob ng puwersang Amerikano, ang kanilang mga pamilya ay naging ugali nang awitin ang martsang ito na kinilala sa tawag na
Himno Nacional Filipino o
Himno. Inaawit din ito ng mga sundalong Katipunero kung sila’y nasa larangan ng digmaan.
Mga Pagsasalin ng Pambansang Awit
Noong 1920, isinalin sa Ingles nina A.L. Lane, isang Amerikano at ni Camilo Osias, ang orihinal na tula ni Jose Palma. Ang pagsasaling ito ang siya namang inaawit sa mga paaralan at sa mga pormal na pagtitipon noong panahon ng Amerikano at unang mga taon ng dekada 50. Narito ang sumusunod na pagsasalin:
Land of the morning
Child of the sun returning.
With favour burning
Thee do our souls adore.
Land dear and holy
Cradle of noble heroes
Ne’er shall invaders
Trample thy sacred shore.
Even within thy skies and through thy clouds
And o’er the hills and seas
Do we behold the radiance, feel thy throb
Of glorious liberty.
Thy banner dear to all our hearts
Its sun and stars alight,
Oh, never shall its shining field
Be dimmed by tyrant’s might.
Beautiful land of love, O land of light
In this embrace tis’ rapture to lie
But it is glory ever, when thou art wronged
For us, thy sons to suffer and die.
Samantala, ayon kay Teodoro Agoncillo at Gregorio Zaide sa kanilang librong
Kasayasayan ng Pilipinas, dalawang kilalang manunulat na sina Julian Cruz Balmaceda at Idelfonbso Santos ang nagsalin ng Pambansang Awit sa Tagalog noong 1940. Narito ang kanilang pagsasalin:
O, sintang lupa, Perlas ng Silangan,
Diwang api kang sa araw nagmula.
Lupoang magiliw, pugad ng kagitingan
Sa manlulupig, may pamuksang handa.
Sa dagat mo’t mga bundok
Sa bughaw mong papawirin
Kumikislap, pumipitlag
Ang layang di magmamaliw
Watawat mong kung may digma
Sa tagumpay panglaw pa rin
Kailanma’y di maglalamlam
Ang araw niya’t bituin
Sa ligaya’t lupa ng pagsinta
Ay kay tamis nang mabuhay.
Mula naman sa pananaliksik ni Ambeth Ocampo, sinubukan daw ng University of the Philippines na ipakilala sa madla ang salin sa Ingles ni Paz Marquez Benitez subalit hindi ito naging matagumpay . Ito ang ilan sa mga naisaling berso:
O land beloved/Child of the sunny Orient/
Whose ardent spirit/Ever burns in thy breast .
Samantala,
Ang Pambansang Awit na siyang kinakanta natin ngayon na isinalin naman ng Surian ng Wikang Pambansa ay siyang kinikilalalng opisyal na bersiyon mula pa noong 1958.
Bayang magiliw,
Perlas ng Silanganan
Alab ng puso,
Sa dibdib mo’y buhay.
Lupang Hinirang
Duyan ka ng magiting
Sa manlulupig,
Di ka pasisiil,
Sa dagat at bundok,
Sa simoy at sa langit mong bughaw,
May dilag ang tula,
At awit sa paglayang minamahal.
Ang kislap ng watawat mo’y
Tagumpay na nagniningning,
Ang bituin at araw niya,
Kailanpama’y di magdididlim.
Lupa ng araw ng luwalhati’t pagsinta,
Buhay ay langit sa piling mo,
Aming ligaya na pag may mang-aapi,
Ang mamatay ng dahil sa iyo.
Mapapansing pawang malaya ang ginawang pagsasalin ng orihinal na obra ni Jose Palma maging ito man ay sa Tagalog o a Ingles.
Halimbawa, ang unang berso sa Kastila ni Jose Palma ay Tierra Adorada
/ Hija del sol de oriente/Su fuego ardiente/En ti latiendo esta/ na kung ikukumpara sa Ingles o sa Tagalog na bersyon ay talaga namang ibang–iba.
Pansinin ang Ingles na Pagsasalin:
Land of the morning/Child of the sun returning/With fervor burning/Thee do our souls adore/. At sa ating kasalukuyang Pambansang Awit naman:
Bayang magiliw/Perlas ng silanganan/Alab ng puso sa dibdib mo’y buhay/.
Bakit naging
Land of the morning o
Bayang magiliw ang
Tierra Adorada?
Wika nga ni Ambeth Ocampo, isang batikang Filipinong historiador : “ I shudder at the thought of comparing the Spanish poem with numerous translations available.”
Gayunpaman, kahit binago ng ilang manunulat o tagapag-salin ang orihinal na obra ni Jose Palma , ang diwa, damdamin at pangarap ng mga Pilipino ay nananatili pa ring nakakintal sa musika at liriko ng ating Pambansang Awit.